Friday, October 18, 2013

Rebolusyong Pilipino

Ang galit sa mga opisyal na Kastila at sa mga prayle, na matagal nang kinikimkim ng mga Pilipino, ay unti-unting umabot sa sukdulan noong huling bahagi ng ika-19 na siglo. Noong panahong aktibo ang kilusang propaganda, nagkaroon din ng depresyong ekonomiko na higit na nagpahirap sa mga Pilipinong manggagawa at nakaapekto kahit na sa mga nakatataas na antas sa lipunan noong 1891-1895. Naragdagan pa ito ng pag-atake ng mga pesteng balang sa mga palayan ng Gitnang Luzon noong 1896. Idagdag mo pa rito ang tagtuyot na sumira rin sa iba pang pananim. Ang lahat ng ito ay nagdulot ng krisis pang-ekonomiko na nagpasidhi ng miserableng pamumuhay ng lahat ng Pilipino. Kinailangang kumilos ang lahat at humanap ng mga paraan upang mapabuti ang kalagayan ng bansa!

Nang araw na ipatapon si Rizal sa Dapitan, isinilang ang Katipunan. Nagpapahiwatig ito ng paglilipat ng pamumuno mula sa mga kamay ng mga asimilistang ilustrado tungo sa mga kamay ng isang separatistang lider na kabilang sa mahihirap.

Nang madakip si Rizal, ang mga kasapi ng repormistang La Liga Filipina ay nahati sa dalawa. Ang una ay ang Cuerpo De Compromisarios na nagpatuloy na sumuporta sa La Solidaridad. Ang ikalawa ay binuo ng mga radikal na pinamunuan ni Andres Bonifacio, isang tagasunod ni Dr. Jose Rizal na kabilang sa mga mahihirap. Itinatag ni Bonifacio ang Katipunan upang makipaglaban sa mga Kastila at matamo ang kalayaan sa kamay ng mga mananakop sa pamamagitan ng madugong rebolusyon. 

No comments:

Post a Comment